Saturday, July 30, 2016

Kwento.

Hindi ko matapos tapos yung unang book na sinusulat ko, The Elementalist  sa wattpad--sobrang busy, nawala ako sa track, naubusan ako ng ideas, napunta ang focus sa ibang bagay.

It takes time.
Mahirap magsulat ng story lalo na kung eventually nawala ka sa plot. Kaya pala may mga nobelang inaabot ng taon bago matapos ang buong istorya, bago magkaroon ng pagkaka-kilanlan ang mga characters. Oras at panahon ang igugugol mo para mag-isip ng mga ideas. Pero minsan biglang papasok nalang yung mga ideas sayo habang; nagtatrabaho ka, naliligo ka, nakaupo ka sa isang fast food chain at kumakain ng paboritong fried chicken at french fries, nagbabawas ka sa toilet ng mga kinikimkim mo (kinikimkim, like yung mabaho.)

Di ko alam kung paano ko itutuloy yung kwento na ginawa ko. Hindi ko talaga alam kung paano tatakbo ang kwento, ang buong istorya. Hindi ko rin kilala kung sino pa ang magiging characters doon. Hindi ko parin kilala kung kanino ko ba ipapabasa yun at magiging kritiko ng mga salita at bantay ng takbo ng istorya.

July na.
Ilang buwan na nakalipas mula ng isulat ko yung chapter na unpublish pa naman sa wattpad, walang readers, walang followers, walang comments. July na, ganun parin ang status ng mga published chapters. Nasaan ang hustisya?

August na.
Next week August na pala, tapos "BER" months. Kailangan ko talaga ng tamang time management. Oras para magsulat, magbasa, mag-update ng facebook status, mag-upload ng bagong photo sa instagram, magtweet. Magkaroon ng quality time para sa family, magkaroon ng time para sa tropa, inuman. Ganon. Paano nga ba?

Di bale, kailangan ko gumawa ng schedule, kailangan ko talaga ayusin ang mga pangarap ko (lalim).

Bago magtapos ang taon ng 2016, dapat matapos ko narin ang librong yon, achievement narin kumbaga.

Sunday, July 10, 2016

Today is my day

July 10 2016: So, birthday ko nanaman pala. Pero honestly, 2 days before my birthday limot ko na malapit na pala! I usually don't celebrate my birthday talaga mula nung tumungtong ako ng 18years old. Nababaduyan ako. Ewan ko. Hehehe

Pag gising ko kaninang umaga, business as usual. Sunday. Gusto ko lang mahiga at magbasa habang nagkakape, malamig kasi ang panahon at nakakatamad kumilos. Ako lang ba or ganun din ang iba, normal day lang pag birthday diba? Hehehe

Gusto ko rin mag thank you sa mga taong nakaalala salamat sa notification ng facebook at nakita ko kung sino na ba yung mga bumati. Maraming salamat sa lahat. Thank you lalong lalo na kay God kasi tumagal ako ng mahigit dalawang dekada sa mundo, healthy at kasalukuyang may trabaho.

Salamat sa mga officemates ko na naging tropa ko narin, pare-parehas kami ng wave length kaya nagkakasundo kami. Naging magbabarkada. Mga tropang Foodtrip, Tropang lakwatsa, at The Drunkards.

Wish ko: Sana magkaroon na ng world peace. Sana wala ng batang magugutom, sana happy lang lahat. At sana matupad ang wish ko na ito. Hahahaha

Serious note: Serious. Sana marami pa talagang birthdays na dumating sakin, mga kaibigan na handa akong intindihin kahit di naman nila sabihin minsan alam kong nababadtrip din sila sakin. Hehehe thankful ako sa mga taong nagtyaga, kinilala at di umalis sa tabi ko. Salamat din sa mga taong nagpapainit ng ulo ko, sa trabaho man o personal na aspeto ng buhay ko, natutunan kong kontrolin ang temper ko dahil sainyo. Natutunan kong umiwas at wag silang patulan dahil uubusin lang nila ang enerhiya ko.

Salamat kay Mama at kay Papa, kahit minsan madaling araw na ko nakakauwi. Promise, magtetext ako para di kayo mag antay. Salamat sa mga kapatid ko kasi andyan sila sa tabi ko kahit na wala akong masyadong sinasabing personal problems ko, salamat.

After 5 years: Kasalukuyan akong nag iipon, nag aaral ng mga investments, naadik akong magbasa ng mga patungkol sa financial freedom. Siguro isa sa mga gusto kong mangyari sakin after 5 years ay magkaroon ako ng sariling business. Magkaroon ng sariling oras para sa pamilya, (bawasan ang internet time) ang hirap. Hehehe after 5 years magbibirthday ulit ako at may achievements na ko. Personal.

Sa ngayon, hanggang dito nalang muna ang post ko. Kailangan kong maglinis ng kwarto dahil linggo ngayon at di excuse na birthday ko ngayon. :)

Sunday, July 3, 2016

The Conjuring 2

Di ko masasabing isa itong movie review, pero sa totoo lang di ako masyadong natatakot sa mga Horror Movies--alam ko kasi na movie lang naman eh.

So ayun na nga, napagkasunduan namin magka-officemates na panoorin ang "The Conjuring 2" kahit deep inside eh sobrang baduy sakin ang fact na manonood ako nito sa sine. (Nanonood ako ng Horror Movie ng mag isa lang ako sa kwarto, like nung unang part ng Conjuring, and after ko mapanood, I was like :| *yun na yun?)

Di ko naman ilalahad dito ang istorya mismo ng movie na 'to para naman sa mga di pa nakakapanood. Mas natakot pa ko sa mga taong naguusap sa likod ko, mga babaeng ang lalakas tumili, mga LALAKING napapatili dahil sa effects at gulat factor ng movie.

Gusto ko naman yung movie, pero I want more, yung matatakot talaga ko, mapaparanoid. So nag research ako about sa story ng movie, based daw ito sa true story ng Enfield Case. Re-search pa ko para maunawaan ko pa hanggang sa matagpuan ko ang isang libro na isinulat ni Gerard Brittle: The Demonologist--The extraordinary career of Ed and Lorraine Warren.

Natakot ako sa libro. Mas natakot ako kesa sa movie, mas well-explained kasi talaga kapag sa libro. Dahil sa libro na 'to natuto akong matulog mag isa sa kwarto ng bukas ang lahat ng ilaw. Naparanoid ako na baka atakihin ako ng isang demonic spirit.

Hanggang ngayon, sa oras na isinusulat ko ito bukas ang ilaw ko sa kwarto, di na ko nakakatulog ng patay lahat ng ilaw, nagkakaroon narin ako ng mga bad dreams. Gusto kong silaban yung ebook reader ko dahil pakiramdam ko digitally downloaded din yung mga demonic spirit.

Pero, may hangganan ang lahat. Bukas man ang ilaw ko, wala na ang takot ko, nakaka bored yung last 5 chapter ng libro, nagkaroon ako ng realization. Para akong bata na kinukwentuhan nalang ng isang matanda tungkol sa isang alamat.

Abangan ko nalang kung magkakaroon ng Conjuring 3 sana mas matakot talaga ako sa movie.

Biglang nagagalit sa mundo.

Nagkakaroon talaga tayo minsan ng oras na bigla nalang tayong magagalitbsa mundo. Yung bang ayaw mo makipag usap kahit sa pinaka close na kaibigan mo? Anti social.

Yung magkakasama kayong lahat pero di ka nakikinig sa usapan, nakikiramdam ka lang. Psychological disturbance ba yun?

Yung wala kang pakielam sa mga kasama, feeling mo O.A sila pero ikaw naman talaga yun? Yung mabuburaot mga kasama mo kasi nagiging others ka.


Saturday, November 28, 2015

Kaibigan.

Tag-araw. Mainit. Tanghaling tirik ang araw. Walang pasok sa eskwela. Normal na araw para sa akin ito, pero senyales ang init ng panahon na ito para sa isang siyam o sampung taong gulang na sarili ko nanalalapit na pagbakasyon sa Batangas--swimming, outing, ano pa bang pwedeng itawag?

Normal na buhay, tipikal na araw na alam kong tuwing taon nauulit ang eksenang ito, at mauulit uli sa susunod na taon. Lagi naman kami sa Batangas kung saan empleyado ang tatay ko, at kapatid ng tito ko ang may ari ng resort. Libre? Hindi ko alam, wala akong alam sa mga bagay na yon ng panahon na yon. Ang alam ko lang magsasaya kami, swimming dito swimming doon.

Tipikal na panahon ng tag init, panahon kung saan hindi ako pwedeng walang salbabida, takot ako sa malalim na parte ng tubig, hindi ako marunong lumangoy, at takot ako sa katotohanan na hindi ko alam ang nangyayari sa ilalim na parte ng katawan ko sa tubig. Mas pinipili kong lumangoy malapit sa dalampasigan.

Sa mga oras na ito, maraming tao. Maingay. May naglalaro ng volleyball ilang metro ang layo mula sa kinaroroonan ko, mahilig akong pagmasdan ang daloy ng tubig, tulad ng hilig ko sa pagmamasid sa daloy ng mga tao. Nasa tubig man o nasa dalampasigan.

Nagulat ako ng may isang babae ang lumutang mula sa ilalim ng tubig malapit sa akin, tawa ng tawa. Siguro ay mga sampo hanggang labing-isa ang edad. Kaedaran ko ng panahong iyon. Sumunod ay isang lalaki mga siyam hanggang sampong taong gulang sa tingin ko. Tawa ng tawa at parehas silang nakaharap sa akin habang nakaupo ako sa salbabida ko.

Nakakaloko ang mga ito, hindi ko alam kung bakit sila tumatawa. Pero sa tingin ko may "kaya" ang mga to, base sa kutis ng balat at sa kung paano nila ako pagtawanan.

"Seryoso to." Sabi ng babae. "Baka di magpahiram yan." sabi naman ng lalaki.

"Bakit?" tanong ko. "Di ka marunong lumangoy?" sabi ng lalaki.
"Marunong pero pasisid lang, tsaka wala akong goggles." sabi ko.

"Tara, sama ka sa amin, sisid sisid tayo sa ilalim." pag aaya ng babae.

"Hiramin ko muna salbabida mo, tapos sama ka sa kapatid ko, eto goggles, maganda naman sa ilalim ng tubig may mga nakita kaming blue na isda." inabot ng babae ang goggles nya.

"sige." sabi ko naman.

Sumisid ako kasama ang kapatid niyang lalaki, hindi naman sa kalaliman pero may mga asul nga na isda. Nakakamangha. Sumenyas sa ilalim ang lalaki na hulihin namin, pero hinayaan ko syang gawin yon. Namamangha ako sa asul na isda, sa mga lamang dagat na parang busy sa paglangoy kung saan saan.

Napansin kong nakakatawa lumangoy ang lalaki, parang palaka. Eksaherado, nagpapatawa sa ilalim ng tubig dahilan para umahon ako ng kinakapos ng hininga, nakakatawa.

"HAHAHAHA" hingal na pagtawa ko. Kasunod ng pag ahon ng lalaki. Natatawa din ang kapatid nyang babae.

"Lagi kayo napunta dito?" tanong ko sa kanila.

"Ngayon lang, sinubukan lang namin sa resort na to."

Dahil bata at puro paglalaro ang isip, walang pormal na pagkakakilanlan. Ang alam ko, naging masaya ko kasama ang dalawang magkapatid, parehas silang nakakatawa hindi ko akalain na makakatagpo ako ng kalaro mula sa ilalim ng tubig--tubig na takot akong lumangoy, sumisid.

Hanggang isang ginang ang tumawag sa magkapatid, pinagbabanlaw sila, malapit na silang umuwi ayon sa pagkakarinig ko.

"Sige, dito na kami." nakangiti na sabi ng magkapatid.
"magkikita pa naman siguro tayo" sabi ng babae.

"tuwing summer andito kami, sana bumalik kayo dito." sabi ko.

Hapon. Nagbanlaw na ako, nakakatuwa na may mga taong walang ginawa kundi tumawa, sa maliliit na bagay. Mga bagay na akala ko nakakatakot, tulad ng kalaliman ng dagat. Takot ako, takot akong mapunta sa malalim.

Bumalik ako sa dalampasigan, kulay kahel (orange) na ang araw, palubog at ang ganda pagmasdan. Nang may tumawag sakin.

"Hoy! Andyan ka pala!!" sigaw ng lalaki papalapit sila sakin magkapatid. Nakikita ko sa suot nila na may "kaya" nga sila, malinis sila tignan sa suot nila. Pero di mawawala sa mukha nila ang mga nakakaloko nilang ngiti.

Kumuha ng maliit na bato ang lalaki at hinagis sa tubig dagat.
"Pauwi na kami eh, sayang di na tayo makakapaglaro" sabi ng babae.

"Ok lang yan, babalik pa naman ata kayo dito next year." sabi ko.

"Di namin sigurado." sabi ng lalaki.

Isang tinig ng ginang muli ang tumawag "Tara na aalis na tayo!"
Sigaw nya sa di kalayuan.

"Uy, salamat ah." sabi ng babae.
"baka di na tayo magkita, sayang." sabi ng lalaki. "Uwi na kami ha. Bye." ika naman ng babae.

"Ingat kayo! Sana balik kayo next year dito." sabi ko.

Umalis sila, nakangiti parin, parang di uso sa mukha nila ang ekspresyon na simangot.

Malapit na magdilim, dapit-hapon. Malamig na simoy ng hangin mula sa dagat, wala akong naririnig na hampas ng alon, tila kalmado din ang dagat, tulad ng nadarama ko, mula ng makilala ko ang magkapatid na iyon, sa liit ng panahon at oras na nakasama ko sila nakakalungkot na mula sa lugar na ito, nakakilala ako ng mga munting kaibigan, kaibigan na walang pormal na pagkakakilanlan, kaibigan mula sa ilalim ng dagat. Pinagtawanan ako dahil seryoso ako sa pagmamasid ng mga tao sa paligid.

Kaibigan na walang pangako. Kaibigan na totoo ng ilang oras ng buhay ko sa lugar na ito. Mga kaibigan na akala ko makikita ko parin sa mga susunod na taon. Pero hanggang doon lamang ata talaga ang mga kabigan na nakilala ko sa lugar na ito. Magiging alala hanggang sa buhay ko sa kasalukuyan. Kaibigan na naging totoo.

Matagal na panahon narin akong hindi nakabalik sa lugar na yon, unti unti kada taon nalimutan namin ang pagbisita sa lugar, na parang di namin napuntahan. Naging isang alaala, tulad ng mga kaibigan na nakilala ko doon. Ala-ala na lamang sila ng dagat kung saan ko sila nakilala.

Ang kaibigan, hindi nasusukat sa haba ng panahon o ng oras mo sila nakilala. Ang kaibigan nasusukat kung gaano mo sila nakasama ng masaya o ng malungkot. Ang kaibigan nasusukat kung gaano nila ipinakita ang totoo nilang pagkatao ng ilang oras, walang pagkakakilanlan. Pero sa puso at ala-ala minsan may kaibigan kang naging totoo. Totoong-totoo. Hindi kailangan ng mahabang oras. Kasing lalim ng dagat na pinagsamahan, at iisang bagay na ikina-sasayang gawin. Doon nasusukat ang isang totoong kaibigan at hindi basta basta makakalimutan.