So, paano nga ba ulit ako magpaparamdam sa blog ko makalipas ang ilang buwan o taon na hindi pag update dito? Hirap no? Parang nagpaparamdam ka lang sa ex mo na iniwan mo years ago, tapos ikaw itong magri-reach out. Teka, true to life? Ito naman kasing Covid19 sumabay pa sa momentum ng pagpasok ng 2020 ko, natin. Di na maibabalik yung nawalang two months na yun, almost kalahati na ng taon ngayon.
Sa loob ng two months na enhanced community quarantine mula nung March 17, 2020. Never ako lumabas ng bahay. Literal. Bakit? Mahina kasi ang immune system ko, mabilis ako magkasakit kahit magbago lang ang panahon. Mabilis din ako masaktan. Sa loob ng two months, kwarto, computer at cellphone (Mobile Legends. Di ako makaalis sa Legend, pabuhat lods?) lang umikot ang araw-araw ko at minsanang work from home. Parang isang malaking pagtatampo sa bigas ang nangyari, nawalan tayo ng regular na trabaho, umasa sa ayuda ng gobyerno. (ayoko magcomment masyado.) Sanay naman ako na magkulong sa kwarto, napakinabangan ko yung pagiging introvert ko.
Realizations? Maiksi ang isang taon, maiksi pala talaga ang life. Isang beses napatingin ako sa Photos ko sa phone, wala pala akong masyadong photos ng sarili ko. Nag stalk ako sa mga social media accounts ng mga kaibigan at ka-office ko na kasama nila ako sa picture o video. Nalungkot ako. Dahil sa mga photos na yun, dun ko na-appreciate na may kasama naman pala ako, may mga kaibigan pala ako paglabas ko ng bahay namin. Nakakalungkot in a sense na, photos or videos nalang yun. Memory. Yung lungkot na masaya? Weird.
Isa din sa mga na-realized ko itong website ko. Dito ko pala binabasura lahat ng emotions ko ilang taon na ang nakakalipas. Tapos babalikan ko bigla ng ganun ganun nalang. Siguro, may lugar talaga o tao na tinatakbuhan tayo kapag wala ka ng mapuntahan? Literal. Siguro ito yung pinakahuling lugar na iyon para sa akin. Lugar kung saan free-flow lang lahat ng gusto ko sabihin? Kung ano naiisip ko habang sinusulat ko ito.
May mga maiiwanan talaga pala tayo, hindi pala talaga lahat pwede natin isama. May babalikan at handa ka ulit tanggapin kasi yun yung hindi mo narealized nung oras na mas busy ka para sa ibang mga bagay. Isa sa pinaka-magandang realization, babalik tayo kung saan pakiramdam natin unang natagpuan ang sarili.
Ingat tayo at magkikita kita rin tayo sa mata.