Kaibigan.

by - 11/28/2015 10:03:00 PM

Tag-araw. Mainit. Tanghaling tirik ang araw. Walang pasok sa eskwela. Normal na araw para sa akin ito, pero senyales ang init ng panahon na ito para sa isang siyam o sampung taong gulang na sarili ko nanalalapit na pagbakasyon sa Batangas--swimming, outing, ano pa bang pwedeng itawag?

Normal na buhay, tipikal na araw na alam kong tuwing taon nauulit ang eksenang ito, at mauulit uli sa susunod na taon. Lagi naman kami sa Batangas kung saan empleyado ang tatay ko, at kapatid ng tito ko ang may ari ng resort. Libre? Hindi ko alam, wala akong alam sa mga bagay na yon ng panahon na yon. Ang alam ko lang magsasaya kami, swimming dito swimming doon.

Tipikal na panahon ng tag init, panahon kung saan hindi ako pwedeng walang salbabida, takot ako sa malalim na parte ng tubig, hindi ako marunong lumangoy, at takot ako sa katotohanan na hindi ko alam ang nangyayari sa ilalim na parte ng katawan ko sa tubig. Mas pinipili kong lumangoy malapit sa dalampasigan.

Sa mga oras na ito, maraming tao. Maingay. May naglalaro ng volleyball ilang metro ang layo mula sa kinaroroonan ko, mahilig akong pagmasdan ang daloy ng tubig, tulad ng hilig ko sa pagmamasid sa daloy ng mga tao. Nasa tubig man o nasa dalampasigan.

Nagulat ako ng may isang babae ang lumutang mula sa ilalim ng tubig malapit sa akin, tawa ng tawa. Siguro ay mga sampo hanggang labing-isa ang edad. Kaedaran ko ng panahong iyon. Sumunod ay isang lalaki mga siyam hanggang sampong taong gulang sa tingin ko. Tawa ng tawa at parehas silang nakaharap sa akin habang nakaupo ako sa salbabida ko.

Nakakaloko ang mga ito, hindi ko alam kung bakit sila tumatawa. Pero sa tingin ko may "kaya" ang mga to, base sa kutis ng balat at sa kung paano nila ako pagtawanan.

"Seryoso to." Sabi ng babae. "Baka di magpahiram yan." sabi naman ng lalaki.

"Bakit?" tanong ko. "Di ka marunong lumangoy?" sabi ng lalaki.
"Marunong pero pasisid lang, tsaka wala akong goggles." sabi ko.

"Tara, sama ka sa amin, sisid sisid tayo sa ilalim." pag aaya ng babae.

"Hiramin ko muna salbabida mo, tapos sama ka sa kapatid ko, eto goggles, maganda naman sa ilalim ng tubig may mga nakita kaming blue na isda." inabot ng babae ang goggles nya.

"sige." sabi ko naman.

Sumisid ako kasama ang kapatid niyang lalaki, hindi naman sa kalaliman pero may mga asul nga na isda. Nakakamangha. Sumenyas sa ilalim ang lalaki na hulihin namin, pero hinayaan ko syang gawin yon. Namamangha ako sa asul na isda, sa mga lamang dagat na parang busy sa paglangoy kung saan saan.

Napansin kong nakakatawa lumangoy ang lalaki, parang palaka. Eksaherado, nagpapatawa sa ilalim ng tubig dahilan para umahon ako ng kinakapos ng hininga, nakakatawa.

"HAHAHAHA" hingal na pagtawa ko. Kasunod ng pag ahon ng lalaki. Natatawa din ang kapatid nyang babae.

"Lagi kayo napunta dito?" tanong ko sa kanila.

"Ngayon lang, sinubukan lang namin sa resort na to."

Dahil bata at puro paglalaro ang isip, walang pormal na pagkakakilanlan. Ang alam ko, naging masaya ko kasama ang dalawang magkapatid, parehas silang nakakatawa hindi ko akalain na makakatagpo ako ng kalaro mula sa ilalim ng tubig--tubig na takot akong lumangoy, sumisid.

Hanggang isang ginang ang tumawag sa magkapatid, pinagbabanlaw sila, malapit na silang umuwi ayon sa pagkakarinig ko.

"Sige, dito na kami." nakangiti na sabi ng magkapatid.
"magkikita pa naman siguro tayo" sabi ng babae.

"tuwing summer andito kami, sana bumalik kayo dito." sabi ko.

Hapon. Nagbanlaw na ako, nakakatuwa na may mga taong walang ginawa kundi tumawa, sa maliliit na bagay. Mga bagay na akala ko nakakatakot, tulad ng kalaliman ng dagat. Takot ako, takot akong mapunta sa malalim.

Bumalik ako sa dalampasigan, kulay kahel (orange) na ang araw, palubog at ang ganda pagmasdan. Nang may tumawag sakin.

"Hoy! Andyan ka pala!!" sigaw ng lalaki papalapit sila sakin magkapatid. Nakikita ko sa suot nila na may "kaya" nga sila, malinis sila tignan sa suot nila. Pero di mawawala sa mukha nila ang mga nakakaloko nilang ngiti.

Kumuha ng maliit na bato ang lalaki at hinagis sa tubig dagat.
"Pauwi na kami eh, sayang di na tayo makakapaglaro" sabi ng babae.

"Ok lang yan, babalik pa naman ata kayo dito next year." sabi ko.

"Di namin sigurado." sabi ng lalaki.

Isang tinig ng ginang muli ang tumawag "Tara na aalis na tayo!"
Sigaw nya sa di kalayuan.

"Uy, salamat ah." sabi ng babae.
"baka di na tayo magkita, sayang." sabi ng lalaki. "Uwi na kami ha. Bye." ika naman ng babae.

"Ingat kayo! Sana balik kayo next year dito." sabi ko.

Umalis sila, nakangiti parin, parang di uso sa mukha nila ang ekspresyon na simangot.

Malapit na magdilim, dapit-hapon. Malamig na simoy ng hangin mula sa dagat, wala akong naririnig na hampas ng alon, tila kalmado din ang dagat, tulad ng nadarama ko, mula ng makilala ko ang magkapatid na iyon, sa liit ng panahon at oras na nakasama ko sila nakakalungkot na mula sa lugar na ito, nakakilala ako ng mga munting kaibigan, kaibigan na walang pormal na pagkakakilanlan, kaibigan mula sa ilalim ng dagat. Pinagtawanan ako dahil seryoso ako sa pagmamasid ng mga tao sa paligid.

Kaibigan na walang pangako. Kaibigan na totoo ng ilang oras ng buhay ko sa lugar na ito. Mga kaibigan na akala ko makikita ko parin sa mga susunod na taon. Pero hanggang doon lamang ata talaga ang mga kabigan na nakilala ko sa lugar na ito. Magiging alala hanggang sa buhay ko sa kasalukuyan. Kaibigan na naging totoo.

Matagal na panahon narin akong hindi nakabalik sa lugar na yon, unti unti kada taon nalimutan namin ang pagbisita sa lugar, na parang di namin napuntahan. Naging isang alaala, tulad ng mga kaibigan na nakilala ko doon. Ala-ala na lamang sila ng dagat kung saan ko sila nakilala.

Ang kaibigan, hindi nasusukat sa haba ng panahon o ng oras mo sila nakilala. Ang kaibigan nasusukat kung gaano mo sila nakasama ng masaya o ng malungkot. Ang kaibigan nasusukat kung gaano nila ipinakita ang totoo nilang pagkatao ng ilang oras, walang pagkakakilanlan. Pero sa puso at ala-ala minsan may kaibigan kang naging totoo. Totoong-totoo. Hindi kailangan ng mahabang oras. Kasing lalim ng dagat na pinagsamahan, at iisang bagay na ikina-sasayang gawin. Doon nasusukat ang isang totoong kaibigan at hindi basta basta makakalimutan.


You May Also Like

4 comments

  1. This is a very nice story.... Makes me miss a lot of things....

    Nakakamiss maging bata, ang dagat at ang mga kaibigang tunay. Nasan na kaya ang lahat ng ito?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Yes, this is a true story. Istorya na may nakilala akong magjapatid. Hehehe bigla ko silang naalala habang nagmumuni muni ako kagabi.

      Nakakamiss maging bata talaga, wala kang iisipin kundi maglaro, makipagkaibigan sa mga di kakilala at mamangha. Minsan kasi kung sino pa yung m naging kaibigan natin ng ilang oras, sila pa yung mas totoo. Sila pa yung may "quality" hindi tulad ng mga matagal na nating kaibigan, minsan sila pa yung mapang husga. Iiwanan ka nalang bigla.

      Anyway, salamat sa pagbisita sa aking blog, at least may nakakabasa pala ng mga kadramahan ko. Hehehe
      Thanks! ;)

      Delete
  2. i didn't know you had this in you. i know ur writing but i didnt know ur this good.

    ReplyDelete